7 Marines nasawi sa ambush sa Sulu gagawaran ng military honor sa libing

MANILA, Philippines - Gagawaran ng military honor sa kanilang libing ang pitong sundalo ng Marines na nasawi sa madugong pakikipagbakbakan sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Brgy. Tugas, Patikul, Sulu noong Sabado.

“Definitely they will be accorded with military honors during their burial,” pahayag ni Philippine Marine Spokesman Lt. Vladimir Cabrera.

Kabilang sa mga napaslang sa ambush ay sina 2nd Lt. Alfredo Lorin, Pfc Rene Gare, Pfc Andres Bogwana, Pfc Jay Alasian, Pfc Jayson Durante, Pfc Roxas Pizarro at Pfc Dominador Sabijon Jr., pawang ng Force Reconnaissance Company.

Gayunman, hinihintay pa ang desisyon ng pamilya ng mga nasawing sundalo partikular na si Lorin, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2011 kung nais ipalibing sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio.

Kaugnay nito, sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista na nana­natiling mataas  ang moral ng tropa ng Marines sa Sulu sa kabila na nalagasan ang mga ito ng puwersa.

Sinabi ni Bautista na iniutos na rin niya ang pagpapalakas pa ng opensiba laban sa mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa insidente at ma­ging sa mga pambobomba sa Sulu at iba pang bahagi ng Western Mindanao.

Magugunita na kasalukuyang nagsasagawa ng ope­rasyon ang naturang tropa ni Lorin  upang hanapin ang kinidnap na misis ng isang Marine Sergeant nang makasagupa ang may 30 armadong bandido sa lugar na ikinasawi ng pitong sundalo habang siyam pa ang na­sugatan.

Samantalang sa panig ng Abu Sayyaf ay tumaas rin sa pito ang bilang ng napaslang at nasa  15 naman ang mga nasugatan sa nangyaring bakbakan.

 

Show comments