MANILA, Philippines - Muling nanindigan kahapon si Justice Secretary Leila de Lima na hindi niya papayagan ang pagsasagawa ng joint investigation ng mga awtoridad mula sa Taiwan at Pilipinas sa naganap na insidente ng pagkamatay ng isang Taiwanese fisherman na pumasok sa karagatang sakop ng bansa na nabaril ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay De Lima, may sariling proseso o sistema ng hustisya ang Pilipinas at may sariling sistema ring sinusunod ang Taiwan.
Hindi aniya, maaaring makialam ang dayuhan sa sariling proseso ng mga Pilipino lalo na ngayong nasa kasagsagan na ang pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation.
Ipinahiwatig ni De Lima na posible lamang magkaroon ng joint probe kung may makikialam na mas mataas sa kanya, subalit sa kanyang level ay hinding-hindi niya papayagan.
Samantala, kinumpirma kahapon ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chair Amadeo Perez na maraming pulis na ipinakalat sa Kaohsiung at sa mga karatig na lugar sa Taiwan para hanapin ang mga nanakit sa ilang kababayan nating Pinoy na pinalo ng baseball bat sa nasabing bansa.