MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sixto Brillantes Jr. na 95% na ng mga nagwaging kandidato ang naiproklama na, sa kabila ng ilang aberya sa idinaos na May 13 midterm elections.
Ayon kay Brillantes, sana naman ay huwag palakihin ng kanyang mga kritiko ang maliliit na aberya na naganap sa eleksiyon sa halip ay pansinin din ang mga positibong kaganapan.
“I think we should put this on record, 95 percent has already been proclaimed in all areas of the Philippines,†is this not an achievement for this country? Positive naman ang sabihin,†ayon kay Brillantes.
Pumalag din si Brillantes sa akusasyon ng Automated Election System (AES) Watch, na may 1,500 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines ang nagkaaberya noong halalan at hindi 200 lamang gaya ng iginiit ng Comelec.
Hinamon ni Brillantes ang grupo na patunayan ang alegasyon sa pamamagitan ng pagprisinta ng mga ebidensiya.
Binigyang-diin rin ni Brillantes na bagamat hindi naman perpekto ang idinaos na halalan subalit naging maayos ito, bagay na ayaw aniyang tanggapin ng kanyang mga kritiko.