Chiz parang si FPJ – Susan Roces

MANILA, Philippines - Sa kabila ng negatibong mga publisidad sa reeleksiyonistang senador na si Chiz Escudero, inihalintulad siya ng batikang aktres na si Susan Roces sa kanyang pumanaw na asawa, ang ‘hari ng pelikulang Pilipino’ na si Fernando Poe Jr.

Sa panayam, sinabi ni Roces, ina ni Grace Poe na kasama rin ni Escudero sa Team PNoy, na ang senador ay may katulad na mga katangian ni FPJ, kapwa sa tunay na buhay at sa mga papel na ginampanan nito sa pelikula.

“Mapagkumbaba siya at mapagkakatiwalaan. Inin­durso ko rin siya noong 2007 at hindi ako nabigo sa kanya. Mahusay niyang nagampanan ang trabaho niya bilang senador. Sigurado akong hindi makaaapekto ang black propaganda na ipinupukol sa kanya,” sabi ni Roces.

“Gaya ni FPJ, isa siyang maginoo. Hindi niya kailanman siniraan maging ang mga naninira sa kanya. Ganyan talaga ang mga bayani’t mga bida, nagpapabugbog muna pero sa huli, sila rin ang nagwawagi,” dagdag pa ng aktres.

Pinuri rin ni Roces ang mga nagawa ni Escudero sa Senado, lalo na ang pinamumunuan nitong committee and justice and human rights, na nagpasa ng lahat ng mga panukalang lumikha sa 281 mga korte sa buong bansa.

“Patunay lamang ito ng kanyang dedikasyon para sa katarungan at sa pakikipaglaban niya para sa masa – para siyang FPJ ng Senado,” sabi ni Roces.

Sa hiwalay na pa­nayam naman, sinabi ni Escudero na ito ang pinakamaraming mga bagong korte na nalikha sa kasaysayan ng Senado, “na sana’y makatulong upang siguruhin hindi na maantala o maipagkait ang hustisya  sa ating mga kababayan.”

Si Escudero ay malapit na kaibigan ng pamilyang Poe. Naging tagapagsalita siya ni FPJ nang tumakbo itong pangulo noong 2004. (Butch Quejada)

Show comments