MANILA, Philippines - Hindi na kailangang ilagay sa kontrol ng Commission on Elections (CoÂmelec) at gawing election hotspot ang Taguig City.
Inihayag ito ni Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte matapos sabihin ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na kukunsultahin niya si PNP chief Director General Alan Purisima upang i-assess ang sitwasyon sa Taguig City.
Hiniling na isailalim sa ‘area of concern’ ang siyudad matapos magrambol ang mga supporter ng magkatunggali sa pagka-mayor na sina incumbent Lani Cayetano at Rica Tinga sa gilid ng City Hall noong Sabado.
Nagbigay na ng posisyon ang PNP na wala silang nakikitang dahilan o mabigat na basehan para ilista ang lungsod bilang ‘area of concern’, lalo na kung gawin pa itong ‘hot spot’
Sabi ni Chief Supt. Miguel Antonio, deputy chief ng National Task Force SAFE 2013 na ‘isolated case’ ang nangyaring karahasan sa pagitan ng magkalabang panig.
Tiwala si Chief Supt. Antonio na hindi na kailangang dagdagan ang puwersa ng pulisya sa nasabing siyudad kundi atasan na lamang ang police commanders na maging maagap sa pagbabantay upang hindi na maulit ang insidente noong Sabado.
Sinabi naman ni Usec. Valte na kung napulsuhan na ng PNP ang sitwasyon sa Taguig at hindi na kailangang isailalim pa ito sa kontrol ng Comelec, susuportahan nila ang posisyon ng PNP.
Samantala, hindi uli sinipot ng kampo ni maÂyoralty candidate Rica Tinga ang pagpupulong na itinaguyod ng Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa mapayapang halalan sa Taguig City.
Isinagawa ang pulong sa St. Martha Parish sa Kalawaan, Pasig City na dinaluhan ni Mayor Cayetano kahapon ng umaga at mga kinatawan ng Comelec, DILG at PNP.
Ito ang ikalawang pagkakataon na inisnab ni Tinga ang aktibidad ng PPCRV na may kinalaman sa orderly and peaceful elections. Wala rin si Tinga sa lagdaan ng peace coÂvenant nong Marso.
Si Mayor Lani na dumalo sa dalawang pagtitipon ay iginiit ang kanyang commitment para sa peaceful and orderly elections.