Liquor ban simula na bukas

MANILA, Philippines - Ipatutupad na simula bukas ng Commission on Elections (COMELEC) ang liquor  ban sa buong bansa kaugnay ng gaganaping  halalan sa Lunes, May 13.

Mahigpit ang paalala ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes, Jr. sa publiko na ipinagbabawal na ang pag-inom o pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin sa buong bansa.

Exempted naman sa liquor ban ang mga hotel at iba pang establisyimento na sinertipikahan ng pamahalaan.

Ang implementasyon ng liquor ban ay magtatagal ng  limang  araw o hanggang sa Lunes araw ng halalan.

Matatandaang dati ay dalawang araw lamang ang ipinatutupad na liquor ban pero ipinanukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ng hanggang 60 araw hanggang maaprubahan ng limang araw dahil magkakaroon umano ng matinding reaksiyon mula sa liquor manufacturers.

Iginiit naman ng Ma­lacañang na dapat sumunod ang lahat sa ipapatupad na liquor ban ng COMELEC mula Mayo 9-13 kaugnay ng gaganaping May 13 midterm elections.

Ayon kay Deputy Pre­sidential Spokesperson Abigail Valte, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang pagbili at pag-inom ng alak mula alas-12 ng ha­ting gabi ng Mayo 9 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Mayo 13.

Pero pinahihintulutan naman na uminom sa loob ng pribadong lugar na kanilang pag-aari.

Wika pa ni Valte, ang mga hotel at negosyong pangturista ay puwedeng humingi ng exemption sa Comelec.

Show comments