MANILA, Philippines - Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng lower court laban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot sa ilang foreign nationals sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong 2001.
Sa desisyong inilabas ng appellate court, pinagtibay nito ang ruling ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 69 na nagtatakda nang 20 counts of reclusion perpetua sa mga akusado para sa kasong kidnapping and serious illegal detention with ransom.
Pinagtibay din ng hukuman ang pagpapataw ng “payment of damages†sa mga biktima na umaabot ng P5.2 milyon.
Kabilang sa mga akusado sina Bar Ismael, Bashier Ordonez, Sonny Asali, Margani Iblong Hapilon, Radzmar Sangkula, Kamar Ilias Ismael Jaafar, Guillermo Salcedo, Haber Akimuddin Asari at Tuting Hannoh.
Maaalala na noong May 27, 2001, dinukot ng mga bandido ang may 20 katao sa Dos Palmas resort, kabilang ang mag-asawang US national na sina Martin at Gracia Burnham at negosyanteng si Reghis Romero.
Ang grupo ay pinamunuan ni ASG leaders Abu Ahmad Salayuddin alias Abu Sabaya at Khadaffy Janjalani.