Sinopla ng SC sa airtime ng political ads Brillantes magre-resign

MANILA, Philippines - Pinag-iisipan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na magbitiw na lamang sa puwesto matapos na ilabas ng Korte Suprema ang bagong desisyon na pi­nipigil sa pamamagitan ng Status Quo Ante order ang implementasyon na naglilimita sa political advertisement ng mga kandidato.

Kasabay ng pangingilid ng luha, sinabi ni Brillantes na  plano niyang makipag-usap kay Pangulong Aquino upang hilingin na maglagay na lamang ng bagong Comelec Chairman at palitan na siya.

Nagpahayag rin ng matinding pagkadismaya si Brillantes sa mga inilalabas na desisyon ng Korte Suprema. Ito na kasi ang ika-apat na beses na mistulang nasopla ng Korte ang Comelec.

Sinabi pa ni Brillantes na sa nangyayari ngayon ay parang ang Korte Suprema na ang nagpapatakbo sa eleksyon sa bansa.

Una ng hinarang ng SC ang implementasyon ng notices ng Comelec laban sa Team Patay vs Team Buhay poster sa Bacolod; pagpasa sa kanila ng kaso ng mayoralty race case sa Imus, Cavite; pagbalik sa poll body ng 54 partylist petition, at ang pang-apat ay ang pagharang sa resolusyon ng poll body patungkol sa airtime limits ng mga pol advertisements.

Pinayuhan naman ng Malacañang si Brillantes na sundin nito ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Sa katatapos na en banc session ng mga mahistrado sa Baguio City, nagpalabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) na pansamantalang haharang sa pag-iral ng aggregate air time limit sa political ads.

Partikular na pinipigilan ng SC ang pagpapatupad ng Comelec Resolutions 9615 at 9631.

Alinsunod sa dalawang resolusyon, papayagan ang pagsasahimpapawid ng political ads para sa national candidate sa lahat ng TV network ng hanggang 120 minuto, at 180 minuto sa lahat ng mga himpilan ng radyo.

Sa local candidate, papayagan ang pag-iral ng political ads sa lahat ng TV network ng hanggang 60 minuto, at 90 minuto sa lahat ng radio stations.

Noong 2010 elections, ang airtime limit ay ipinaiiral sa bawat istasyon.

Show comments