MANILA, Philippines - Naging mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita sa Semana Santa sa bansa.
Ayon kay P/Director Alex Paul Monteagudo, PNP Director for OpeÂrations sa kaniyang isiÂnumiteng ulat kay PNP Chief Director General Alan Purisima, maliban sa isang insidente ng pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Station of the Cross sa Butuan City noong Biyernes Santo ay wala ng mga bayolenteng mga kaganapan ang iniulat ng Police Regional Offices.
Ayon sa opisyal, mananatili ang pagpapatupad ng alerto sa Semana Santa hanggang Lunes dahil inaasahang magsisipagbalikan na sa Metro Manila at iba pang mga urban centers ang mga bakasyunista na nagtungo sa mga lalawigan.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., sa pagpapatuloy ng law enforcement operations nitong Semana Santa ay marami ang nasakoteng lumabag sa Comelec gun ban, street crimes at mga sangkot sa droga.
Sa kabuuan umpisa sa implementasyon ng gun ban noong Enero 13, 2013 hanggang nitong Sabado de Gloria ay umaabot na sa 2,032 ang mga nahuling indibidwal na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng 1,982 mga armas.
Binigyang diin pa ni Cerbo na ang 150 day gun ban period ay magpapatuloy kaugnay ng midterm elections sa Mayo 2013.