MANILA, Philippines - Naghain ng apela kahapon sa Korte Suprema si dating Akbayan Representative at senatorial candidate Risa Hontiveros na alisin ang ipinalabas na 120-araw na Status Quo Ante Order na pumipigil sa pagpapatupad ng kontrobersiyal na Reproductive Health Law.
Batay sa 42 pahinang motion for reconsideration, iginiit ni Hontiveros na walang dahilan para suspendihin ang pagpapatupad ng nasabing batas matapos na rin mabigo ang mga tumututol dito na patunayan na mayroong naging paglabag sa Konstitusyon ang RH law.
Habang napipigil ang RH law ay mas malaking pinsala ang idinudulot nito lalo na sa mga kababaihan na una na umanong napatunayan sa isinagawang mga pag-aaral ng Department of Health.
Ang kawalan aniya ng access sa reproductive health services ay isa sa pangunahing dahilan ng maternal death.