MANILA, Philippines - Dumating sa bansa kahapon ang 61 overseas Filipino workers na naipit sa nagaganap na karahasan sa Syria.
Sa report ng DFA at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang 61 distressed OFWs ay lumapag sa NAIA Terminal 1 lulan ng Qatar Airways flight QR-648 dakong alas-9:10 ng umaga mula Damascus, Syria.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Asec. Raul Hernandez, tuluy-tuloy ang ginagawang pagÂlilikas sa mga Pinoy sa Syria simula nang ipatupad ng pamahalaan ang mandatory evacuation sa ilalim ng crisis alert level 4 sa nasabing bansa noong Disyembre 22, 2011 dahil na rin sa walang puknat na bakbakan sa pagitan ng mga rebeldeng Syrian na nasa panig ng oposisyon at tropa ni Syrian President Bashar al-Assad na nais nilang pabagsakin sa puwesto.
Mula sa huling batch na nakauwi, umaabot na sa kabuuang 3,692 Pinoy ang nailikas at napauwi na ng pamahalaan mula Syria.
Sinabi naman ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ang mga Pinoy returnees na aktibong miÂyembro ng OWWA ay makakatanggap ng P10,000 cash relief assistance mula sa OWWA at aalukan ng livelihood assistance na P7,500 o P10,000 ‘starter kits’ upang makapagsimula ng maliit na negosyo.