Tamad sa gobyerno sibakin! - Ayong

MANILA, Philippines - “Walang lugar sa gobyerno ang tamad.”

Ito ang binigyang diin ni Cavite Congressman Ayong Maliksi. Sinabi niya na dapat nang maputol ang matagal nang sakit sa gobyerno na absenteeism o sumasahod kahit hindi nagtatrabaho.

Anang Kongresista, napapanahon nang purgahin ang pamahalaan sa mga opisyal at kawani na tamad at palaging wala sa trabaho.

Inendorso kamakailan ni Presidente Noy Aquino si Maliksi sa campaign rally ng Liberal Party sa Cavite bilang kandidato sa pagka-gobernador.

Si Maliksi ay nanawagan sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan na maglingkod ng tapat sa mga mamamayan.

Ayon kay Maliksi, wa­lang lugar sa public service ang mga kawani ng pamahalaan na tatamad-tamad o ‘di kaya ay hindi mahagilap sa oras ng pangangailangan.

“Public service is a public trust. Kung hindi ka maasahan ng mga mamamayan, hindi ka nababagay na maging opisyal ng pamahalaan,” ani Maliksi.

Binitawan ni Maliksi ang mga ganitong paha­yag sa gitna ng mga usap-usapan ngayon tungkol sa ‘absenteeism’ ng mga kawani ng gobyerno kabilang na ang Kapitolyo ng Cavite.

Bagamat tapat na isinusulong ni Pangulong Aquino ang tuwid na daan sa pamahalaan, sinabi ni Maliksi na marami pa rin sa mga kawani nito ang tumatakas sa kanilang mga trabaho at responsibilidad.

Ani Maliksi, maituturing din na isang katiwalian ang absenteeism sa hanay ng mga government workers dahil nilalaspatangan nito ang karapatan ng mga mamamayan sa isang maayos at maaasahang serbisyo.

Samantala, naniniwala ang maraming Kabitenyo na babalik sa Kapitolyo ang maliksing gobyerno at serbisyo sa Kapitolyo ng lalawigan sa oras na magwagi sa pagkagubernador ang LP candidate.

Mismong si Pangulong Aquino ang nagsabi na buo ang kanyang tiwala na maipatutupad ni Maliksi ang mga programa sa pagbabago ng pamahalaan sa Cavite.

Kabilang sa programang ito ang LRT Extension project na inaasahang magpapabilis ng kaunlaran sa lalawigan. Nauna nang isinulong ni Maliksi ang proyekto upang magkaroon ang mga Kabitenyo ng mabilis na transportasyon at lumakas ang kalakalan sa mga bayan ng lalawigan.

Sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Cavite, hinimok ni Aquino ang mga kabitenyo na ilagay ang kanilang tiwala sa ‘may liksi’.

Ayon kay Aquino, dati nang nakilala ang Cavite bilang one of the fastest rising provinces sa bansa dahil kay Maliksi nang siya pa ang nakaupong gubernador. Sa ilalim din ng panunungkulan ni Maliksi bumaba ang poverty incidence ng lalawigan, ani Aquino.

Show comments