MANILA, Philippines - Nakatakdang bitayin sa Marso 17 ang isang OFW na nakapatay ng isang Sudanese national sa Saudi Arabia kung hindi pa rin maibibigay ang P44 milyong blood money na hinihingi ng pamilya ng biktima sa itinakdang palugit o araw.
Nauna nang itinakda ang pagpugot sa ulo ng Pinoy na si Joselito Zapanta, 32-anyos, tubong Bacolor, Pampanga noong Nobyembre 14, 2012 subalit napakiusapan ng pamahalaan ang pamilya ng biktima na maipagpaliban ang pagbitay ng hanggang apat na buwan at ibinaba pa sa P44 milyon (4 milyon Saudi Rial) ang blood money mula sa P55 milyon o 5 milyon SR na unang hiningi.
Base sa rekord, si Zapanta ay hinatulan ng kamatayan ng Saudi court matapos mapatay sa pamamagitan ng pagpukpok ng martilyo at pagnakawan ang kanyang Sudanese landlord na si Saleh Imam Ibrahim noong 2009.
Nabatid na may P4 milÂyon na ang nadeposito ng gobyerno sa bank account na binuksan ng Embahada para kay Zapanta sa Saudi habang may isang pribadong indibidual na nag-donate ng P1 milyon na agad ding naipasok sa nasabing bank account.
Nagsasagawa na rin ng fund raising drive ang provincial government ng Pampanga sa pangunguna ni Gov. Lilia Pineda para sa blood money ni Zapanta habang may 400 OFW families ang nag-ambag sa nagdaang christmas party ng Blas F. Ople Center, isang non government organization na pinamumunuan ni Susan Ople para sa Save Zapanta drive.
Bunsod nito, muling umapela kahapon si Vice President at Presidential Adviser on OFWs’ Concerns Jejomar Binay sa publiko na tumulong na mag-ambag sa blood money na kailangan ni Zapanta kapalit ng kanyang buhay at kalayaan sa Saudi.
Sinabi ni Binay na ang pamilya ni Zapanta ay mahirap lamang at hindi makalikom ng P44 milyon.
Si Zapanta ay nagtungo sa Saudi noong Oktubre 14, 2007 at nagtrabaho bilang tile setter upang suportahan ang kanyang magulang at dalawang anak sa Pampanga.