MANILA, Philippines - Matapos ang panibagong oil price hike, muling isinusulong ng isang mambabatas ang pagrepaso at pagrebisa sa oil deregulation law.
Sinabi ni House Deputy Minority leader Milagros Magsaysay, importante na rebisahin muna ang mga kasalukuyang batas tulad ng oil deregulation bago lumikha at magpatupad ng panibagong pagtataas.
Paliwanag pa ni Magsaysay, pinahihintulutan sa oil deregulation ang mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto ng hindi man lamang nababatid ng publiko kung marapat nga ba o hindi ang ipinatutupad na price hike.
Bukod dito nakakalungkot din umanong isipin na mistulang inutil ang pamahalaan na mapigilan ang naturang hakbang ng mga oil company sa bansa.
Ginawa ng kongresista ang pahayag bilang proteksyon umano sa panibagong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo na ikaapat na beses na sa loob lamang ng nakalipas na dalawang linggo.