Bangkay ni Aranas isasailalim sa 3rd autopsy

MANILA, Philippines - Upang matuldukan ang mga pagdududa sa totoong sanhi ng pagkamatay ng witness sa pagpatay sa brodkaster at environmentalist na si Gerardo “Doc Gerry” Ortega ay dapat na isailalim ito sa ikatlong awtopsiya.

Sinabi ito ni Quezon Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Dionardo Carlos sa gitna na rin ng magkasalungat na resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation at forensic expert ng Public Attorneys Office (PAO) sa pagkamatay ng witness na si Dennis Aranas.

Gayunman, nilinaw ni Carlos na hinihintay pa nila ang go signal ng pamilya ni Aranas para maisailalim ang bangkay nito sa ikatlong awtopsya. Ang labi ni Aranas ay nailibing na kamakailan.

Una ng inilabas ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nag-suicide si Aranas habang sa ipinalabas na resulta ng PAO forensic expert ay pinahirapan, sinakal sanhi ng mga nakuhang bakas ng kuko sa kaniyang leeg na pinatay ng tinatayang 3-4 suspek at hindi umano ito nag-suicide.

Si Aranas ay natagpuang nakabigti noong Pebrero 5 dakong alas-5 ng umaga sa loob ng selda nito sa Quezon District Jail pero hindi agad naireport sa Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Quezon Police at ng dumating ang mga awtoridad ay malinis na ang selda at nadala na rin sa morgue ang bangkay ni Aranas.

Iginiit ni Carlos na mahalaga ang ikatlong awtopsya na gagawin ng isang technical 3rd party para lumabas kung alin sa dalawang naunang resulta ng awtopsya ang totoong sanhi ng pagkamatay nito.

Show comments