MANILA, Philippines - Nagkaroon ng tensiyon ang press conference kahapon ni Agrarian Secretary Virgilio delos Reyes sa isang restaurant sa Quezon City Circle nang lusubin ito ng mga magsasaka sa pangunguna ng Task Force Mapalad na galit na galit na sumisigaw na sinungaling umano ang kalihim.
Agad namang naitaboy ng mga pulis ang mga magsasaka na nakasuot ng kulay orange na T-shirt na inihalintulad sa isang preso sa Bilibid na nagsisimbulo daw ng kanilang pakikibaka para sa maayos na pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka sa bansa.
Sinabi naman ni Sec. delos Reyes na handa ang pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na harapin ang mga pasaring at akusasyon ng mga obispo partikular ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nagsasabing may krisis sa pamamahagi ng lupain sa bansa sa ilalim ng implementasyon ng extended Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Nilinaw din ng Kalihim na mali ang mga pasaÂring ng mga Obispo sa naturang programa bagkus ay dapat na tulungan na lamang ng CBCP ang ahensiya at ang gobyerno kung paano mapapabuti ng husto ang pagpapatupad sa pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo ng extended CARP.
Kung may pagtutulungan anya ang bawat isa matatamo ang tunay na diwa ng CARPER.
Anang Kalihim, anumang oras ay handa siyang makipag diyalogo sa mga Obispo kung nanaiisin ng mga ito at tuloy maipaliwanag ang tunay na layunin ng extended CARP.