LP pumalag kay Jalosjos

MANILA, Philippines - Binuweltahan ng isang miyembro ng Li­beral Party (LP) sa Kamara si Zamboanga del Norte 1st district Rep. Seth Frederick Jalosjos dahil sa mga akusasyon nito sa kanyang mga kalaban sa pulitika.

Sa privilege speech ni Zamboanga del Norte 2nd District Rep. Rosendo Labad-labad, nagpapakita umano ng kalituhan si Jalosjos sa publiko lalo na sa mga Zamboangenos sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling akusasyon sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at Philippine National Police (PNP).

Si Jalosjos, anak ni convicted rapist Romeo Jalosjos ay naunang ina­kusahan si Sr. Supt. Reynaldo Maclang, Provincial Public Safety Commander ng Zamboanga del Norte ng pang-aabuso sa check point at DILG Secretary Mar Roxas ng “martial law” sa naturang lalawigan dahil sa hindi nito pagpapahinto sa umano’y nagaganap na pang-aabuso ng grupo ni Maclang sa mga checkpoints.

Giit ni Labad-labad, ang tunay na isyu sa Zamboanga del Norte ay ang patuloy na pagtatago ng tiyuhin ni Jalosjos na si dating Dapitan Mayor Dominador Jalosjos na ipinag-utos ng Korte Suprema na arestuhin noong Nobyembre at nahatulan ng prison mayor dahil sa robbery conviction noong 1970 na hindi nito napagsilbihan.

Bukod sa pagkakakulong ay ipinag-utos din ng SC ang “perpetual disqualification” mula sa public office ng dating Alkalde.

Panawagan ni Labadlabad kay Jalosjos bakit hindi na lamang nito tulungan ang law enforcement agency sa pama­magitan ng pagpapasuko sa pulisya ni Dominador.

Paliwanag pa ng mambabatas ang ginagawang checkpoint sa kanilang lalawigan ay naaayon lamang sa direktiba ng Comelec at kung mayroon man pag-abuso ay dapat itong maghain ng kaso sa Ombudsman o sa iba pang concerned agencies.

 

Show comments