Dahil sa pagdadala ng mga bala: Australian national huli sa NAIA

MANILA, Philippines - Bunsod ng mahigpit na implementasyon ng  gun ban, hindi nakalusot sa mga tauhan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon ang isang Australian national matapos itong masakote nang makumpiskahan ito ng mga bala habang papaalis ito ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon ng umaga.

Base sa report na isinumite nina Customs Inspector Francisco Ople at Emily Timbal  sa tanggapan ni Biazon, kinilala ang dayuhang nadakip na si Andrew David Straoud, nasa hustong gulang, may Aussie Passport number 4067018.

Ayon sa report, nadakip ang dayuhan dakong alas-7:55 ng umaga sa departure area ng terminal 3, NAIA.

Papaalis na ang dayuhan, patungo ng Bangkok at  pasakay na ito ng Philippine Airlines PR 730 nang siya ay pigilin makaraang makita sa x-ray machine na may lamang bala ng kalibre 45 baril at 9mm ang kanyang bagahe na wala namang kaukulang dokumento.

Kaagad inilipat ng mga kagawad ng Customs ang suspek sa custody ng pulisya na nakabase sa NAIA na ngayon ay nahaharap sa kasong illegal possession of  ammunition at paglabag sa gun ban.

Show comments