Amalilio may protector sa Malaysia

MANILA, Philippines - Kumbinsido si Justice Secretary Leila de Lima na mayroong protector sa bansang Malaysia  ang utak ng multi-billion  peso pyramiding scam  na si Manuel Amalilio, may-ari at nagtatag ng Aman Futures Group Philippines, Inc.

Ito aniya’y base sa kanilang natanggap na mga impormasyon  na may nagbibigay ng proteksyon kay Amalilio sa nasabing bansa.

Una rito, sinabi ni De Lima na may  kaso rin sa Malaysia si Amalilio bukod pa sa kaliwa’t kanang demanda sa Pilipinas na bunga ng P12-B pyrami­ding scam.

Samantala, tiniyak naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na maiuuwi ng Pilipinas ang Aman Futures founder na si Manuel Amalilio.

Sinabi ni Sec. Lacierda sa media briefing sa Palasyo, nagkaroon lamang ng kaunting problema sa pagpapabalik kay Amalilio matapos itong maaresto sa Kota Kinabalu, Malaysia.

Wika pa ni Lacierda, nakikipag-coordinate na ang DFA at mga awtoridad sa kanilang counterpart sa Malaysia upang maibalik sa Pilipinas ito at harapin ang kanyang mga kaso.

Show comments