MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi tatantanan ng Malacañang si Aman Futures boss Manuel Amalilio hangga’t hindi ito naibabalik sa bansa.
Inamin ni Valte na maging sila ay nasorpresa nang maantala ang pagbabalik sa bansa ni Amalilio matapos harangin ng ilang opisyal sa Malaysia.
Hindi aniya titigil ang Department of Justice, National Bureau of Investigation at maging ang Department of Foreign Affairs para matiyak na maibabalik sa bansa si Amalilio.
“Ikinagulat din ng lahat iyan dahil inaasahang maibalik na po si Amalilio dito sa Manila. Gayunman, patuloy ang mga opisyal natin sa National Bureau of Investigation, Department of Justice at Department of Foreign Affairs sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad ng Malaysia para maisaayos ang pagbalik (ni Amalilio),†sabi pa ni Valte.
Tiniyak ni Valte na kumpleto ang hawak na papeles ng mga awtoridad na nangunguna para maibalik sa bansa ang lider ng Aman Futures na lider ng pyramiding scam.
Inamin din ni Valte na hindi pa rin nila alam ang basehan kung ano ang naging basehan para hindi maibalik sa bansa si Amalilio.
Ginagawa na rin umano ng mga awtoridad ang paraan para mai-freeze ang mga bank accounts ng mga lider ng Aman Futures.
Sa kaugnay na ulat, nilinaw kahapon ni Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II na walang mangyayaring ‘tug of war’ sa pamahalaan ng Pilipinas at Malaysia sa kustodya ni Amalilio na nahuli sa Kota Kinabalu doon kamakailan.
Sa isang panayam sa Camp Aguinaldo sa ginanap na pulong ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc., Cavaliers, sinabi ni Roxas na may birth certificate at passport si Amalilio na magpapatunay na isa itong Pilipino.
Nitong Biyernes ng gabi ay pinigil sa paliparan ng Kota Kinabalu, Malaysia ang naarestong puganteng si Amalilio habang pasakay na ng eroplano kasama ang mga ahente ng NBI.
Si Amalilio, may-ari ng Aman Futures Group na isang pyramiding investment company na ang base ay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, ay tumakas sa bansa noong Nobyembre 2011 matapos makapanloko ng aabot sa mahigit P12 bilyon mula sa 15,000 investors sa MinÂdanao at maging sa Visayas Region.
Sinasabing si Amalilio, isa umanong maimpluwensyang tao sa Malaysia ay nagbayad umano ng abogado upang palitawin sa mga awtoridad doon na isa siyang mamamayan ng nasabing bansa kaya napigilan ang deportasyon nito sa Pilipinas. Sa kasalukuyan ay nasa kustodya ng Royal Malaysian Police si Amalilio.
Ayon kay Roxas, ginagawa na ng pamahalaan sa pamamagitan ni Philippine Ambassador to Malaysia Eduardo Malaya ang pakikipagkoordinasyon sa Foreign Affairs Department ng nasabing bansa upang maipa-deport sa Pilipinas ang pyramiding boss.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Purisima sa mga naging biktima ng pyramiding scam na huwag ilagay ang batas sa kanilang mga kamay na magiging dahilan para ang mga ito ang unang makulong.