Coplan Armado ‘di aprubado ng PAOCC

MANILA, Philippines - Itinanggi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Exe­cutive Director Reginald Villasanta na binigyan nila ng go signal ang “Coplan Armado” sa Atimonan, Quezon.

Ang pahayag ay ginawa ni Villasanta matapos ang pagharap nito sa NBI Death Investigation Division kahapon ng umaga.

Ayon kay Villasanta, totoo na inilapit sa kanilang tanggapan ang Coplan Armado nina P/Supt. Hansel Marantan, P/Supt. Glen Dumlao at nasibak na Calabarzon Regional Dir. P/Chief Supt. James Melad.

Gayunman sa isang board resolution ng PAOCC ay hindi aniya nila inaprubahan ang nasabing operasyon dahil sa kakulangan sa mga dokumento upang ma-assess nila ang operasyon, at mga importanteng impormasyon gaya ng kung sino sinong ahente ang kasama sa operasyon at endorsement mula sa mother unit nito.

Nilinaw rin ni Villasanta na ang isang daang libong pisong pondo na ibinigay nila ay para magamit sa pagkalap ng impormasyon upang mapagtibay ang inihaing Coplan Armado at hindi para sa operasyon mismo.

Ipinaliwanag pa ni Villasanta na ang mandato ng PAOCC ay magkaloob ng suporta sa mga law enforcement agency sa pamamagitan ng technical, legal and financial assistance upang mapagtuluy-tuloy at mapalakas ang kampanya ng pamahalaan na mabuwag ang mga organisadong armadong grupo.

“The Commission makes decision at the policy level and IS NOT designed to be involve  in actual operations,” paglilinaw pa ng PAOCC executive director. (Ludy Bermudo/Rudy Andal)

 

Show comments