VACC tinawag na ‘epal’

MANILA, Philippines - Tinawag na “epal” ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang balak ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na maghain ng reklamo sa Senate Committee on Ethics laban kay Senate President Juan Ponce Enrile dahil sa ginawa nitong pami­migay ng karagdagang MOOE o maintenance and other operating expenses (MOOE) sa mga senador.

Ayon kay Lacson maliwanag na pagpapel o “epal” ang balak ng grupo ni Dante Jimenez na makisawsaw sa isyu dahil lamang na-diyaryo ang isyu ng MOOE.

“Ang tawag doon epal. Pumapapel lang. Mahilig sumingit basta may controversy na ganyan di pwede hindi sisingit. Una, sabihin na natin against crime and corruption. Nakasilip ng oportunidad malagay sa dyaryo at mapag-usapan sa media, sawsaw agad na mag-file ng ethics complaint against SP Enrile. Anong basehan?” sabi ni Lacson.

Ipinunto pa ni Lacson na mismong ang Commission on Audit na ang nagsabi na walang ilegal sa MOOE lalo pa’t may special provision naman sa general appropriations act noong 2012.

Ani Lacson, maitutu­ring umanong ilegal at labag sa Konstitusyon ang ginawa ni Enrile kung walang item sa budget na lalagyan ng pondo.

Inihalimbawa ni Lacson ang nangyari noong panahon ng Ondoy kung saan humingi siya ng permiso sa COA kung maaaring gamitin ang savings ng Senado para ipambili ng relief goods na kinatigan naman ng COA basta’t may maipapakitang resibo.

Show comments