MANILA, Philippines - Nagsolian ng Christmas gifts sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Inamin ni Santiago na ipinasoli niya sa tanggapan ni Enrile ang natanggap niyang personal cash gift nito na nagkakahalaga ng P250,000 dahil nauna rito ipinabalik din ng Senate president ang kanyang regalong biscuits.
“He returned my biscuits, so I returned his cash,†sabi ni Santiago.
Noong nakaraang Disyembre bawat senador ay nakatanggap ng kabuuang P1.6 milÂyon mula sa savings ng Senado bukod pa sa P250,000 na personal cash gift mula kay Enrile.
Pero sinabi ni Santiago na hindi niya tinanggap ang P250,000 at kasama rin siya sa apat na senador na hindi na pinabigyan ni Enrile ng P1.6 milyon.
Bukod kay Santiago, hindi nakatanggap ng P1.6 milyon sina Senators Antonio Trillanes, Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano bagaman at nabigyan din sila ng P250,000 na Christmas gift.
Inihayag din ni Enrile na noong nakaraang Lunes, nakatanggap siya ng isang tseke na nagkakahalaga ng P250,000 mula sa tanggapan ni Santiago kung saan ipinaliwanag ng Chief of Staff ng senadora na nai-deposito nila ang tsekeng ipinadala ng Senate Presidente kaya pinalitan na lamang nila ito.
“So Senator Santiago gave back my gift, as I gave back hers. Fair enough,†ani Enrile.
Samantala, kinumpirma naman ni Trillanes na nakatanggap siya ng P250,000 na papasko mula kay Enrile.
Ginamit umano ni Trillanes ang nasabing pondo sa relief operation sa mga nabiktima ng bagyong Pablo.
Sinabi ni Santiago na buwan-buwan ay tumatanggap ng P2.2 milyon na pondo ang bawat senador para sa sahod at office expenses ng kani-kanilang tanggapan.
Pero ang nasabing pondo umano ay “discretionary†o bahala na ang senador kung saan niya ito gagamitin.