MANILA, Philippines - Hinimok ng isang Obispo si Pangulong Aquino na tutukan ang job creation o paglikha ng maraming trabaho para sa mahihirap sa 2013.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, bagama’t sinasabing gumaganda ang ekonomiya ng bansa ay hindi naman aniya ito nararamdaman ng mga maralita.
Bilang katunayan aniya ay marami pa ring mga Pilipino ang lumalabas ng bansa at nakikipagsapalaran sa abroad dahil wala silang nakukuhang trabaho sa Pilipinas.
Iginiit pa ng Obispo na higit na pakatutukan ng pamahalaan ang pagtataguyod ng mga programa at kabuhayan sa mga kanayunan.
“Ang sinasabi kasi ngayon na ang ating piso ay getting stronger and stronger. Pagkatapos our economy is really brighter and brighter but dumarami ang mga mahihirap. Marami ang mga taong no jobs at all. Hindi nila ito nararamdaman. Siguro upper bracket ay nararamdaman nila ang pag-angat pero sa baba hindi. Katunayan, marami pa rin ang nakikipagsapalaran abroad!” ani Medroso sa panayam.