MANILA, Philippines - Panibagong refund ang handog ng Manila Electric Company (Meralco) para sa mga kostumer nito ngayong Enero.
Ayon kay Dina Lomotan, pinuno ng External Affairs ng Meralco, bukod sa refund ng aktuwal na bill deposit na naibigay na noong isang taon ay maaari na ring i-refund ang interes nito ngayong buwan. Padadalhan nila ng sulat ang mga kostumer nila hinggil sa refund.
“Itong January, padadalhan naman namin ang mga customers ng sulat na pwede nilang i-refund ang bill deposit kasama ang interes,” pahayag ni Lomotan. “For January, makakatanggap po ‘yung iba na nagbabayad po ng on or before the due date for the past three years. Makakatanggap sila ng sulat na pwede nilang i-refund kung gusto nila ang kanilang bill deposit plus interest o maaari nilang ipunin yung interest per billing.”
Paraan umano ito ng Meralco upang mahikayat ang kanilang mga kostumer na magbayad sa tamang due date.
Gayunman, nilinaw ni Lomotan na sakaling bigong makapagbayad o huli sa pagbayad ang isang customer sa takdang due date nito ay muli siyang sisingilin ng Meralco ng bill deposit.