MANILA, Philippines - Patuloy na kawalan ng disiplina ang isinalubong ng maraming taga-Metro Manila sa pagsalubong sa taong 2013 makaraang tone-toneladang basura ang iniwan sa mga kalsada pagkatapos ng mga selebrasyon.
Higit sa 150 trak o katumbas ng halos 100 tonelada ng basura ang nakolekta sa mga pangunahing lansangan kahapon ng umaga, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bumase rin sa ulat ng iba’t ibang garbage collectors ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Col. Carlos Baltazar, hepe ng Manila Department of Public Service, malaking volume ng basura ay nagmula sa Luneta sa lungsod ng Maynila habang tambak din ang nahakot sa mga common firecracker zone at mga palengke.
Nabatid na kinansela ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan ang leave ng kanilang mga tauhan na tagalinis at tagakolekta ng basura dahil sa inaasahang maiiwan na kalat.
Alas-3 pa lamang ng madaling araw nang mag-umpisang maghakot ang mga garbage collectors ng MMDA at mga lokal na pamahalaan ngunit inabot pa rin ang mga ito ng tanghali kahapon para ganap na malinis ang mga kalsada at mga parke.
Kasabay nito, muling nanawagan ang grupong EcoWaste Coalition sa publiko na ayusin ang pagtatapon ng kanilang mga basura makaraang mamonitor na walang habas na pagtatapon maging sa mga national park tulad ng Luneta na meron namang nakalaang mga basurahan ngunit hindi ginagamit ng marami.