PNP, BFP, DOH handa sa 2013

MANILA, Philippines - Pinulong ni Pangulong Aquino ang PNP, BFP, DOH at iba pang ahensiya ng gobyerno bilang paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Pinangunahan mismo ng Pangulo ang miting sa Malacañang upang masiguro na areglado na ang preparasyon ng gobyerno sa pagsalubong sa 2013.

Hiniling ng Pangulo sa PNP na magdagdag sila ng hotline na mada­ling tandaan ng publiko upang makatawag laban sa sinumang makikitang lalabag sa batas lalo ang mga pulis na magpapaputok ng kanilang baril gayundin ang mga gumagamit ng mga iligal na paputok.

Kinansela naman ng BJMP ang leave ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang anumang jailbreak sa kaabalahan ng lahat sa pagsalubong sa New Year.

Umabot sa mahigit 100 ang mga naging biktima ng paputok sa ulat ng Department of Health sa kabila ng mahigpit na kampanya ng DOH na iwasan na ang paggamit ng paputok sa halip ay magsayaw na lamang ng ‘gangnam’.

Inatasan din ng Pa­ngulo ang pulisya na mahigpit na ipatupad at bantayan ang pagbebenta ng mga paputok lalo na ang mga iligal upang huwag nang madagdagan pa ang nadidisgrasya sa paputok.

Samantala nakaalerto rin ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines para masigurong mapayapa at ligtas ang pagsalubong sa taong 2013.

Ayon kay AFP spokesman Col. Arnulfo M. Burgos, nakikiisa ang buong kasundaluhan sa mapayapa at ligtas na pagseselebra ng Bagong taon, habang umaayon sila sa probisyon ng suspension of military offensive, patuloy pa ring nakabantay ang kanilang grupo para mapigilan ang posibleng panggugulo na makakasira sa selebrasyon.

Tiniyak din ng AFP na ang lahat ng kanilang kasundaluhan ay mana­nagot sa sinumang magpapaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Bagama’t karamihan anya sa tropa ng AFP ay naka-deploy sa Mindanao dahil sa relief operation, nanatiling nasa mataas na kahandaan ang kanilang tropa sa anumang ope­rasyon. (May ulat ni Ricky Tulipat)

Show comments