MANILA, Philippines - Ipinaalala kahapon ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng pagkakaisa kasabay ng paggunita sa ika-116 taong anibersaryo ng kamatayan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ito ang naging sentro ng talumpati ni Pangulong Aquino na siya ring nanguna sa isinagawang flag-raising ceremony sa monumento ni Rizal sa lungsod ng Maynila dakong alas-7:00 ng umaga kahapon. Kasama ni P-Noy sa okasyon si Vice President Jejomar Binay.
“Paano hahabiin ang pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba? Paano pag-aalabin ang malasakit sa kapwa’t sa bandila? Nawa’y maging mas masigasig ang ating pakikisagwan sa iisang direksyon upang maging ganap ang potensyal ng ating Wikang Pambansa,” ayon sa Pangulo.
Napag-alaman na nagsagawa ng reenactment ang grupong Knights of Rizal kaugnay sa paglilipat ng labi ni Gat Jose Rizal bilang bahagi ng paggunita sa Rizal Day.
Isang prusisyon din ang isinagawa sa Binondo patungong Luneta na nilahukan ng mga miyembro ng Knights of Rizal at mga opisyal ng pamahalaan.
Ang reenactment ng paglilipat ng labi ng pambansang bayani ay nagsimula mismo sa bahay ng kanyang ina na si Teodora Alonzo patungo ng Luneta.
Matatandaan na Disyembre 30 nang patayin si Rizal sa pamamagitan ng firing squad ng mga sundalong Filipino sa ilalim ng Spanish Army sa Bagumbayan.
May 116 taon na ang nakararaan at 100 taon naman ang nakalilipas sa paglipat ng labi nito mula sa bahay ng kanyang ina sa Binondo.
Napag-alaman na patagong inilibing si Rizal sa Paco Park matapos itong patayin bago nakuha ng kanyang pamilya ang labi nito at dinala sa Binondo.