MANILA, Philippines - Muling umangat ang moral ng Philippine Air Force (PAF) matapos na makumpuni at maibalik muli sa himpapawid ang isang luma nitong C130 cargo plane na 48 taon na ang tanda.
Ayon kay Brig . Gen. Raul Dimatatac, vice commander ng PAF, ang 80-man team ng PAF’s 410th Maintenance Wing ang nagsagawa ng pangkalahatang pagre-repair sa isang luma at sira ng C130 cargo plane kung saan nakatipid ang pamahalaan ng P50 milyon.
Sa isang simpleng seremonya sa PAF sa Villamor Air Base ay pormal na itinurnover ang bagong kumpuning C130 cargo plane, C130B (3633), Rainmaker aircraft (LC 210), isang Huey at ground asset na 12 M35 truck na binasbasan kahapon.
Ang 80-man team ay pinamumunuan ni Brig. Gen. Rolando Aquino na gumugol ng dalawang taon at siyam na buwan kung saan aabot sa P549 milyon ang nagamit para maibalik ito sa serbisyo.
Sa kasalukuyan, aabot na sa tatlo ang C-130 ng PAF na agad na gagamitin sa paghatid ng mga relief goods sa libu-libong biktima ng kalamidad lalo na sa Compostela Valley, Davao Oriental at maging sa lalawigan ng Iloilo na sinalanta ng bagyong Pablo at Quinta.
Kumpiyansa ang ahensiya na magiging maayos na ang operasyon ng kanilang tanggapan na magagamit hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi sa pagtiyak din ng seguridad ng buong bansa.