MANILA, Philippines - Matapos ang ilang buwang pagtatago, lumutang na sa Department of Justice (DOJ) ang isa pang opisyal ng Aman Futures Group Philippines Inc. na nahaharap sa kasong estafa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa P12 bilyong pyramiding scam.
Humarap sa preliminary investigation si Fernando Luna kasama ang asawang si Nimfa kung saan sinumpaan ng mga ito ang kanilang isinumiteng counter affidavits. Ang dalawa ay kapwa Aman board members at co-respondents ni Aman head Manuel Amalilio.
Nagpahayag naman ang mag-asawa na maging state witness sa kaso subalit ito ay pag-aaralan pa rin ng DOJ.
Sa 23 pahinang affidavit ni Luna, iginiit nito na nakahanda umano siyang makipagtulungan sa DoJ at NBI kontra kay Aman Amalilio na CEO ng kumpanya.
Sa ngayon ay may limang mga opisyal na ng Aman Futures ang nagpakustodiya sa NBI dahil sa banta sa kanilang buhay. Kabilang na rito sina Leila Lim Gan, Eduard Lim, Wilanie Fuentes, Nazelle Rodriguez at Lurix Lopez. Umaabot sa 15,000 investors mula Visayas at Mindanao ang naloko ng Aman Futures.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na posibleng maantala ang paglalabas nila ng resolusyon sa kaso. Paliwanag ng kalihim na binibigyan nila ng sapat na panahon ang mga inirereklamong sangkot sa pyramiding scam upang hindi sila maakusahan ng paglabag sa due process.