MANILA, Philippines - Imbes na regalo ngayong kapaskuhan, nagpalitan ng kaso ang inasuntong anak ng sinuspindeng si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na bumuwelta rin ng kaso laban sa PNP at kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Si Pablo “Paolo” Garcia III, anak ng suspendidong gobernadora ay kinasuhan ng direct assault ng Police Regional Office (PRO) 7 matapos na umano’y batukan si Insp. Alvino Enguito ng Regional Public Safety Battalion (RPSB).
Sinabi ni PRO 7 Director P/Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., hindi nila maaring palampasin ang ginawang pag-aabuso ng grupo ng batang Garcia sa isa nilang opisyal na nagpapatupad lamang ng maximum tolerance laban sa mga nagbi-vigil na supporters ng sinuspindeng gobernadora.
Sinasabing kasama umano ni Paolo sina Tonnyson Lee at Joey Cal sa pagbatok kay Enguito.
Samantalang bumuwelta naman si Garcia III ng kasong robbery laban kina Roxas at mga matataas na opisyal ng pulisya sa Cebu dahilan umano sa pagkumpiska sa tatlong tent na kanilang nirentahan para masilungan ng kanilang mga supporter na nagsasagawa ng prayer vigil sa labas ng Provincial Capitol.
Isinama ni Garcia III sa kaso si Roxas matapos mabatid na ito ang nag-utos sa pulisya na buwagin ang prayer vigil ng kanilang mga supporter.
Hanggang kamakalawa ay tumanggi umano ang pulisya na ibalik ang nasabing tent kaya nagsampa rin ng kaso ang batang Garcia.