MANILA, Philippines - Inamin ng Bureau of Immigration (BI) na tumaas ang bilang ng mga illegal alien na nadakip ng intelligence division ng kawanihan ngayong 2012.
Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr., noong December 26, 2012, triple ang itinaas sa bilang ng mga dayuhang lumabag sa batas ng Pilipinas kumpara noong 2011 na naitala lamang sa 153.
Nabatid na may kabuuang 635 foreign national ang kanilang dinakip at kinulong dahil sa lantarang paglapastangan sa batas ng bansa.
Karamihan naman aniya sa mga dinakip na dayuhan ay naipatapon na at sila ay inilagay na rin sa listahan ng undesirable aliens.
Mayorya naman aniya sa mga dinampot ay sangkot sa cybercrimes.
Katuwang ng ahensiya sa pagtugis sa mga illegal alien ang ibang law enforcement agencies kabilang dito ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation (NBI) at ang Presidential Anti-Organized Crime Committee.
Pinakamarami sa listahan ay Taiwanese (390), kasunod ang Chinese (137), 32 ang Koreano at 25 ay mga Kano.