MANILA, Philippines - Dalawampu’t isang (21) bayaning sundalo ng Army’s 66th Infantry Battalion (IB) ang gagawaran ng medalya ng katapangan kaugnay ng ipinakitang kabayanihan sa rescue operation sa kasagsagan ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, mahigit 3 linggo na ang nakalilipas.
Ayon kay Major Harold Cabunoc, Philippine Army spokesman, personal na gagawaran ng Bronze Cross Medal ni Army Chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista ang apat sa mga nasugatang sundalo na kasalukuyang nagpapagaling sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City ngayong alas-10 ng umaga.
Kabilang sa mga ito sina 1st Lt. Alex Marvin Deazeta, 2nd Lt. Jose Enrico Nuas,Pfc Albert Puyunan at Private Ryan Magno.
Ang iba pa na pawang nasugatan din sa search and rescue operation ay tatanggap rin ng kahalintulad na parangal na isasagawa naman ni Army’s 10th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Ariel Bernardo sa Davao City.
Ang Bronze Cross Medal ay isa sa pinakamataas na combat awards na ibinibigay sa mga Army personnel kung saan ang pinakamataas ay ang Medal of Valor. Ang iba pa ay Distinguished Conduct Star at Gold Cross Medal.
“It can be awarded for both combat and non-combat accomplishments, and is given to military personnel for acts that involve the risk of life other than those of actual conflict with the enemy,” ayon sa Army spokesman.
Magugunita na ang grupo ni Deazeta at mga kasamahan nito ay nag-setup ng base patrol sa Brgy. Andap, New Bataan noong Disyembre 4 kung saan nagsakay ang mga ito ng mga sibilyang inilikas sa dalawang military truck na dinala ng mga ito sa evacuation center.
Gayunman, biglang tumaas ang tubig baha na may mga kasamang troso at malalaking bato na sinabayan pa ng landslide saka ipu-ipo.
Nasawi sa trahedya ang 7 sundalong rescuer, 21 ang nasugatan habang apat pa ang nawawala matapos na matabunan ng landslide.