MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng anim na buwan si dating Mayor Pedro Cuerpo ng Rodriguez, Rizal kaugnay ng kasong pag-isnab sa utos ng San Mateo court na tanggapin ang aplikasyon para sa building permit ng isang grupo ng informal settlers sa lugar.
Sa 23-pahinang desisyon na nilagdaan nina Associate Justices Teresita Diaz-Baldos, Napoleon Inoturan at Oscar Herrera Jr. ng anti-graft court Second Division, napatunayang si Cuerpo at si municipal engineer Fernando Roño ay guilty sa kasong paglabag sa Article 231 ng Revised Penal Code (RPC) dahil sa pagtanggi na tupdin ang utos ng korte na aksiyunan ang aplikasyon para sa building permit ng Samahang Magkakapitbisig (Samahan).
Bukod sa pagkabilanggo, inutos din ng graft court na huwag payagan na magkaroon ng anumang puwesto sa gobyerno si Cuerpo at Roño sa loob ng 10 taon at pagmultahin ang mga ito ng tigP1,000 dahil sa nagawang kasalanan.
Nag-ugat ang reklamo sa isinampa ng isang Leticia Nanay, Nancy Barsubia, Ma. Victoria Ramirez, Crisanta Oxina na nagsabing ayaw silang bigyan ng building permit ni Cuerpo para sa itatayong gusali sa kanilang lupa sa Rizal kahit na may utos ang korte doon na pagbigyan ang kahilingan ng mga ito.
Sinasabing tinanggihan ni Cuerpo ang request ng naturang samahan dahil sa pag-aakala nitong mga squatters ang naturang mga aplikante at ayaw niya ng mga squatters sa lugar nito.