MANILA, Philippines - Pabor si House Speaker Feliciano Belmonte sa kahilingan na Christmas furlough ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Paliwanag ni Belmonte, wala namang masama kung humiling ng tatlong linggong bakasyon ang dating pangulo at pansamantalang makalabas ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) para makasama ang kanyang pamilya.
Sigurado naman umano na gwardiyado si Arroyo kapag ito ay pansamantalang lumabas ng ospital.
Subalit nakadepende pa rin sa Sandiganbayan kung pagbibigyan ang hirit ni Arroyo bagamat miyembro umano ng Kamara ay walang karapatan si Belmonte na makialam sa pagpapasya ng korte.
Nakabinbin pa rin sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay GMA na nag-ugat sa umano’y paglustay sa intel funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanyang administrasyon.
Sa petisyon ni Arroyo, nais nitong ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon sa kanilang bahay sa Lubao, Pampanga.