MANILA, Philippines - Tinaasan ng mga employer sa Singapore ang suweldo ng mga household workers.
Sinabi kahapon ni Employment and Labor Secretary Rosalinda Baldoz na tinaasan ng mga employer sa Singapore ang sahod ng mga domestic worker salig sa pinaiiral na $400 reform package ng pamahalaang Pilipinas para sa mga household service worker o HSWs.
Ayon sa kalihim, pumayag na ang mga employer sa Singapore na magpatupad ng minimum na SGD500 o katumbas ng US$400.
Ang pahayag ng kalihim ay batay sa report ng Association of Licensed Recruitment Agencies for Singapore, Inc., na ang pagkukusa ng mga amo sa Singapore ay naaayon sa itinatakda ng US$400 salary sa mga Filipino HSWs.
Samantala, nabatid rin sa kalihim na kumilos ang asosasyon ng mga recruiter sa Singapore kaugnay sa kondisyon ng mga HSW na dito ay nagkaroon ng positibong resulta na maliban sa US$400 salary para sa HSWs, hindi na magtatakda ng placement fee bago umalis ang isang HSW, bibigyan ng tatlong beses na pagkain sa isang araw, dapat ay may isang araw na day-off, pitong oras na walang balam na pagtulog at papayagang gumamit ng cellphone.