MANILA, Philippines - Nabigo kahapon si Senator Pia Cayetano na simulan na ang bicameral conference committee meeting para sa panukalang Reproductive Health Bill matapos maharang ito ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto.
Mariing tinutulan ni Sotto ang napaulat na plano ng grupo ni Cayetano na simulan na ang bicam meeting dahil wala pa naman daw “clean copy” ng napasang RH bill at hindi pa ito nababasa ng buo ng mga senador.
Kinuwestiyon din ni Sotto kung bakit sobrang inaapura ang pagsasalang sa RH bill gayong sa ilalim ng rules ay binibigyan naman ng 10 araw para mag-bicam matapos ang pagpasa ng panukala sa ikatlong pagbasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Nauna rito sinabi ni Sotto na maituturing na ‘PNoy express” kung ipipilit na maisalang kaagad sa bicam ang RH at maihabol bukas ang bicam report para maratipikahan bago ang Christmas break.
Naging isyu rin ang pagpili ng mga miyembro ng bicameral committee dahil iginiit ni Sotto na tanging ang Senate President at hindi ang chairman ng komite ang maaaring pumili ng mga miyembro.
Ayon naman kay Cayetano, naging tradisyon na sa Senado na ang chairman ng komite ang binibigayan ng karapatan na pumili ng bicam panel.
Tiniyak naman ni Cayetano na magiging bukas sa media ang gagawing bicam meeting.