MANILA, Philippines - Nakahanda na ang ilalatag na seguridad ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng tradisyunal na Simbang Gabi ng mga debotong Katoliko sa bansa na magsisimula sa Disyembre 16 hanggang bisperas ng Pasko (Disyembre 24).
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., magpapakalat ng mga pulis sa mga pangunahing lansangan at bisinidad ng mga simbahan na inaasahang daragsain ng libu-libong deboto.
Sa Metro Manila ay magiging todo bantay sa mga pamosong simbahan tulad ng Black Nazarene Church sa Quiapo, Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran, Sto. Domingo Church sa Quezon City, St. Jude Church sa San Miguel, Quiapo; Our Lady of Loreto at St. Anthony Shrine sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Cerbo, posible ring magtaas ng alerto kung may pangangailangan bago ang simbang gabi pero ipauubaya na ito ng PNP Headquarters sa limang District Director sa Metro Manila gayundin sa mga Regional at City Director sa lahat ng mga lalawigan sa kapuluan.
Sa tala, ilang simbahan na ang hinagisan ng bomba ng mga bandidong Abu Sayyaf sa panahon ng simbang gabi nitong nagdaang mga taon partikular na sa Sulu at Basilan.