MANILA, Philippines - Muling iginiit ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation o PCART na i-veto ang panukalang sin tax para maiwasan ang nakapapahamak na epekto ng panukala kapag ito’y napirmahan na.
Iginiit ng PCART na alam na alam ng gobyerno na kapag napirmahan ang panukala batay sa dikta ng International Monetary Fund (IMF) ay isa na itong isang ganap na kawalang-hustisya sa milyong manggagawa, magsasaka, manininda at may-ari ng mga sari-sari store.
Ayon kay Gie Relova, Secretary-General ng militant Bukluran ng Manggagawang Pilipino-National Capital Region-Rizal chapter, mistula umanong pinatay ng sin tax ang kanilang hanapbuhay at kabuhayan habang sinintensyahan na rin nito ang mga pangarap ng kanilang mga anak.
Tiniyak ng koalisyon na ipagpapatuloy nito ang pakikibaka laban sa kontra-mahirap at mapagsamantalang batas sa Sin Tax kahit sa panahon ng kampanya, ilulunsad nito ang isang kampanyang kontra sa mga sumuporta sa binalak ng Malakanyang na pagmasaker sa hanapbuhay at kabuhayan ng masa.