MANILA, Philippines - Nakarekober pa ng 162 bangkay sa patuloy na search and rescue team ng pamahalaan partikular sa Compostela Valley at Davao Oriental.
Bunsod nito, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos na umaabot na sa 902 ang bangkay na narekober na biktima ng bagyong Pablo.
Umakyat na rin sa 2,661 katao ang nasugatan, 415 ang nailigtas at nasa 635 na lamang ang nawawala.
Sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 537 ang natukoy na ang mga pagkakakilanlan habang 335 pa ang patuloy na inaalam ang mga pangalan.
Pinakamarami ang nasawi sa Davao Oriental at Compostela Valley na umabot sa 844.