MANILA, Philippines - Umapela ang mga grupo ng transportasyon sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na maging mahigpit sa pagpapatupad sa paggamit ng early warning device.
Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO president Efren de Luna, 35 hanggang 40 porsyento ng mga aksidenteng nagaganap lalo na sa mga lalawigan ay sanhi ng kawalan ng early warning device.
Nanawagan ang grupo sa Land Transportation Office (LTO) na huwag isyuhan ng rehistrasyon ang isang sasakyan kung wala itong maipapakitang EWD.
Giit naman ng isang grupo ng mga nagmo-motorsiklo partikular ang Motorcycle Federation of the Philippines president Atoy Sta. Cruz, maituturing ngang sila ang pinakamalapit sa disgrasya sa tuwing may mga nakaparadang sasakyan na nasiraan at walang early warning device.
Ayon kay Sta Cruz, sila ang madalas mabulaga at sumalpok sa mga nasisiraang sasakyan na ang gamit na EWD ay dahon o yero lang lalo na sa mga probinsiya.
Sa tala ng PNP-HPG, umabot sa 5,021 major accidents ang kanilang naitala mula enero hanggang Hulyo ngayong taong ito kung saan 593 ang nasawi habang 447 ang nasugatan.
Alinsunod sa letter of instruction 229 ni LTO chief Virgie Torres, ang paggamit ng EWD ay mandatory sa lahat ng sasakyan maliban sa motorsiklo at tricycles.
Ang hindi paggamit nito ay may katapat na parusa tulad ng multa, pagkumpiska sa lisensya ng driver at pag-impound sa sasakyan.