Debate sa RH hamon

MANILA, Philippines - Hinamon ng isa sa may akda ng Reproductive Health (RH) bill ang liderato ng Kamara na ipag-utos na ang debate sa kontrobersyal na panukalang batas.

Ayon kay Malabon Rep. Jay Lacson Noel, malinaw umano na gumagawa lang ng paraan ang mga anti-RH congressmen upang ma-delay ang pagdinig nito.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung bakit mula nang kausapin ang mga ito ng Pangulo noong Lunes ay hindi pa rin nakakalusot sa ikalawang pagbasa ang RH bill gayung may sapat naman itong suporta.

Sabi ni Lacson-Noel, malinaw ang pakiusap ng Pangulo na pagbotohan na ang panukala nga­yong linggo makapasa man o hindi sa Mababang Kapulungan.

Kinumpirma naman ni Zambales Rep. Milagros Magsaysay na posibleng sa Disyembre 12 mapagkasunduan na pagbotohan na ang RH bill upang maipasa na rin agad ito sa Senado. Nanawagan din si Magsaysay sa mga kumokontra sa panukala na lumabas na at ipahayag ang pagtutol sa RH bill partikular na ang simba­hang katoliko.

Kung kinakailangan aniyang lumabas din si Cardinal Luis Antonio Tagle para ihayag ang pagkontra ng simbahan dahil sa ilang paglabag sa relihiyon ay gawin na rin ng simbahan.

Giit nito, ang simbahan ay parte ng stakeholders kaya’t nararapat lamang na pakinggan ang kanilang saloobin upang hindi puro pro-RH ang laging nanaig sa pagbibigay ng opinyon.

 

Show comments