MANILA, Philippines - Pumalag si Cagayan 1st District Rep. Juan “Jack” C. Ponce Enrile, Jr. sa ginawang “pagmasaker” noong isang linggo ng Commission on Elections (Comelec) sa listahan ng mga grupong kasali sa party-list system kung saan 37 sa mga ito ang winalis ng poll body sa listahan.
“As it is, last week’s ‘massacre’ of the party-list rank includes the ‘guilty,’ those that raise suspicion and the ‘innocents’ as well,” ani Enrile sa pahayag sa media.
Sabi ni Enrile, may batayan ang mga reklamo na hindi masinop at maayos ang ginagawang “pagpurga” ng Comelec sa listahan ng mga dapat sibakin at puwedeng tumakbo sa darating na halalan.
Partikular na tinukoy ni Enrile ang pagkasama ng ‘Butil Farmers Party’ sa listahan ng 37 party-list na biglang napasok sa Comelec “hit list” bagaman kabilang na ito sa Kongreso sapul pa noong 1998 election.
Kasama ng Butil ang ‘Binhi’ (Partido ng Magsasaka para sa Magsasaka) sa mga representante ng ‘marginalized sector’ ng mga magsasaka na tinanggalan ng akreditasyon ng Comelec noong isang linggo.
Nagbabala rin si Enrile na posibleng madiskaril ang superbisyon ng Comelec sa darating na eleksyon sa dami ng mga reklamong kinakaharap nito ngayon sa korte partukular na sa Korte Suprema.