MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pangamba ang Commission on Audit (COA) na hindi na matutugunan pa ng Home Guaranty Corporation (HGC) ang obligasyon nitong tustusan ang programang pabahay ng pamahalaan para sa mahihirap dahil sa umano’y patuloy na pagkalugi.
Sinabi ni COA supervising auditor Teodora Lacerna, nagsimula umanong malugi ang HGC noong 2002 dahil sa desisyon nitong magkaroon ng “zero coupon bond flotation” kung saan ang pagkalugi ay umabot na sa P12 bilyon.
“From 2002 to 2011, (HGC) has been adversely affected by the financial charges that bond flotations entailed,” sabi ng COA.
Sa P22 billion ‘bond flotation’ ng HGC, nagresulta lamang ito sa P12.136 bilyon na kinita.
“HGC’s accumulated deficit of P12.771 billion continue(s) to cast doubt on its ability to provide a viable shelter program for the homeless ….” pahayag pa ng COA.
Ang HGC ang pangunahing korporasyon ng pamahalaan sa pagsusulong ng programang pabahay partikular sa “mass housing” para sa mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo at garantiya sa mga housing loans/credit ng mga bangko at mga pribadong kumpanya.
Sa kabila nito, umani ng pagbatikos ang HGC matapos ituloy ang “early retirement program” nito (ESIP) kung saan gumastos ang kumpanya ng P120.73 milyon bukod pa sa pagbabayad ng higit P28.163 milyon para sa “car plan” ng mga opisyales nito.
Bukod sa hindi umano pagbibigay-alam sa Malacañang, nabatid na kahit ang COA ay umangal sa mga gastusing ito ng HGC.
Isa mga “investments” na hinahawakan ngayon ng HGC ay ang Manila Harbour Centre (MHC) kung saan nagtalaga na ang Kote Suprema ng isang “court-appointed receiver” upang matiyak na hindi mawawaldas ang mga “asset” ng proyekto.
Nabatid na bagaman may “injunction,” tuloy pa ring ibinenta ng HGC ang dalawang lote sa loob ng MHC sa negosyanteng si Alfonso Uy-Gongco sa isa umanong “paluging” transaksyon.
Ibinenta umano ng HGC ang mga nasabing lote sa halagang P13,000/sqm, malayo sa P25,000/sqm na dapat umanong bayaran ng negosyante.
Tinatayang nalugi ang HGC ng may P500 milyon sa transaksyong ito.