MANILA, Philippines - Tumangging magpasok ng plea si dating PCSO director Manoling Morato nang basahan ng sakdal sa Sandiganbayan kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng PCSO.
Sinubukan pa ng depensa sa pamamagitan ni Atty. Dante Diaz na harangin muli ang arraignment sa First Division ng Sandiganbayan dahil sa mayrooon pa daw silang nakahaing petition for certiorari na humihingi ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema pero hindi na ito pinagbigyan ng Sandiganbayan.
Dahil hindi nagpasok ng plea si Morato sa ginanap na arraignment kaya abogado na lamang ang nagpasok ng not guilty plea.
Kaugnay nito, pinayagan naman ng Sandiganbayan si Morato na makadalaw sa loob ng 3 oras kasama ang NBI agents sa burol ng kanyang brother-in-law na si Dr. Antonio Lazatin na namatay noong Sabado na ngayon ay nakalagak sa private chapel sa Tomas Morato sa Quezon City.
Muling iginiit ng kampo ni Morato ang isang manifestation sa pamamagitan ni Atty. Diaz na maisailalim siya sa house arrest mula sa pagkaka hospital arrest sa St. Lukes Medical Center dahil masyado na daw malaki ang hospital bill nito na umabot na sa P3 milyon.