MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na anti-drug operations sa mga pantalan at paliparan ay napigilan ang pagkalat ng droga sa bansa habang aabot sa kalahating bilyong pisong halaga ng iba pang ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska.
Nabatid kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, nitong 2012 ay lumobo ang bilang ng mga nakumpiska nilang mga ipinagbabawal na gamot dahil sa serye ng pag-aresto sa mga dayuhang drug courier kung saan 16 dito ang naipakulong nila.
Maituturing umano na accomplishment ito kung ikukumpara noong 2010 at 2011 na kakaunti ang mga nadadakip na drug courier at maliit na porsyento ng droga ang nakukuha.
Sinabi ni Biazon na magiging mainit ang pagtanggap ng BoC sa mga turistang nagtutungo sa Pilipinas, subalit walang puwang na makapasok ang mga drug trafficker “dahil gugulong ang mga ulo nito”.
Pinayuhan din nito ang mga biyahero sa mga pier at airport na huwag mag-atubiling isumbong ang mga tauhan niyang magtatangkang mangotong lalo na’t papalapit ang kapaskuhan.