MANILA, Philippines - Hinamon ni Palawan Bishop Pedro Arigo ang magkapatid na dating Palawan Governor Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes at harapin ang kasong murder na kinakaharap nila matapos na isangkot sa pamamaslang sa radio broadcaster at environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Ayon kay Arigo, kung talagang walang kasalanan ang magkapatid na Reyes ay hindi na dapat na magtago ang mga ito.
Aniya, dapat na harapin ng mga ito ang mga kasong isinampa laban sa kanila ng pamilya Ortega.
Anang Obispo, ang pagkakaroon ng trial ang tamang paraan upang patunayan ng magkapatid na Reyes na malinis ang kanilang kunsensiya at wala silang kinalaman sa krimen.
Sa bandang huli naman aniya ay ang mga ebidensya pa rin sa kaso ang mangingibabaw kung kaya’t hindi dapat matakot ang mga akusado kung totoong wala silang kinalaman sa krimen.