MANILA, Philippines - Posibleng magpalala pa umano sa sitwasyon ang hindi pagtatatak ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa visa ng mga Chinese nationals na nasa Pilipinas.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, ang pagpoprotesta ng pa mahalaan ay maaring magpa-init sa sitwasyon sa mga teritoryong pinag-aagawan ng Pilipinas at China.
Subalit nirerespeto naman umano nito ang gobyerno kung ito ang paraan para maalis ang persepsyon ng China na sa kanila ang teritoryo ng bansa. Ngunit kung siya mismo ang tatanungin, mas makabubuti kung tatatakan ng DFA ang mga pasaporte ng mga Chinese nationals upang mayroong control ang pamahalaan habang nasa bansa ang mga ito.
Nagbabala ito na walang habol ang Pilipinas kung may malabag man ang mga Chinese nationals habang nasa loob ng bansa dahil sa kawalan ng records ng mga ito.
Nauna nang nagpahayag ang DFA na hindi nila tatatakan ang visa ng mga Chinese nationals na may nakalagay na mapa ng West Philippine Sea at iba pang teritoryo na inaangkin ng China.