Krimen sa Metro, bumaba

MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na malaki ang ibinaba ng antas ng krimen sa Kamaynilaan makaraan ang pagpapatupad ng tambalan ng pulis at barangay tanod sa pagpapatrulya at pagdisiplina sa mga tatamad-tamad na pulis.

Sinabi ni NCRPO Director Leonardo Espina na nitong nakaraang Setyembre, nasa 20 porsyento ang ibinaba ng krimen habang 5 porsyento naman nitong buwan ng Oktubre.

Malaking tulong umano ang pagdami na ng nakakabit na “closed circuit television cameras (CCTV)” sa mga establisimento kaya nagdadalawang-isip nga­yon ang mga kriminal na sumalakay bagama’t may ilan pa rin na nakakalusot.

Sa kabila nito, kailangan pa rin umano ng pulisya ang tulungan ng publiko at hinikayat na magsumbong sa Emergency 117 kung may nais isuplong na krimen o impormasyon laban sa mga sindikato.

Ngunit isa sa problemang kinakaharap ngayon ng PNP ang hinihinalang iba’t ibang sindikato na gumagamit ng mga menor-de-edad at maging mga maliliit na paslit sa pagsasagawa ng krimen. 

Sinabi ni Southern Police District (SPD) Director Benito Estipona na patunay nito ang nahuling 17-anyos na binatilyo na nakuhanan ng mga pakete ng marijuana sa isinagawang “curfew operations” sa Guadalupe Street, Fatima Subdivision, Las Piñas City nitong Sabado ng gabi.  Ayon kay Estipona, naniniwala ang mga sindikato lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga na ligtas sa batas ang mga menor-de-edad kung ang mga ito ang kanilang gagamitin sa pagtutulak ng iligal na droga.

Sa Maynila, sinasabing gumagamit naman ang mga sindikato ng mga bata para mamalimos, sumampa sa mga pampasaherong jeep at mang-snatch. 

Ito ang nadiskubre makaraang isang bata ang dinukot ng mga binatilyo ngunit pinakawalan rin sa Antipolo City kamakailan makaraang lumabas sa telebisyon ang insidente.

Show comments