MANILA, Philippines - Itinatag kahapon ng Urban Poor group na Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang “Koalisyon Kontra Buwis-it” (KKB) na ang
layunin ay labanan ang mga nais ipataw na dagdag na buwis sa ‘balikat’ ng mga naghihikaos na mamamayan sa bansa.
Ayon kay Pedring Fadrigon, pambansang tagapangulo ng KPML, hindi sila tutol sa buwis dahil alam naman nila na obligasyon ito ng isang mamamayan para tustusan ang mga programa ng pamahalaan pero ang mas dapat umanong pumasan sa pagbubuwis ay ang mga mayayaman at hindi ang mga mahihirap na mamamayan.
Kabilang sa mga buwis-it na tinututulan ng KKB ay ang mga buwis na nakakarga sa presyo ng mga batayang pangangailangan gaya ng EVAT, at “Text Tax” na panukala ng International Monetary Fund (IMF)”.
Umaapila si Fadrigon kay Pangulong Aquino na bigyan ng maagang pamasko ang mga mahihirap sa pamamagitan ng pagpapatigil sa bagong sistema ng pagbubuwis at huwag magpasulsol sa IMF na sinasabing walang malasakit sa mga maghihikaos na mamamayan.
Nais lamang umano ng IMF na madagdagan ang pondo para sa debt servicing at debt payments sa bansa.